Thursday, October 8, 2009

PAKSA #06 - Trahedya ni 'Ondoy'

TANONG:
Malagim na trahedyang bunga ng bagyong 'Ondoy' at iba pang kalamidad sa Filipinas na maaari namang iwasan kung may kaukulang paghahanda, sino ba ang may higit na kapabayaan – mamamayan o pamahalaan?


BASAHIN ANG MGA KATWIRAN AT KOMENTO

Trahedya ni Ondoy


Mag-email ng iyong KATWIRAN o ng iyong KOMENTO tungkol sa paksang ito.

BASAHIN ANG MGA KATWIRAN AT KOMENTO
Magmungkahi ng paksa

16 comments:

  1. MENSAHE AT PANAWAGAN

    Una muna ay nais kong ipaabot sa balana
    Marudob kong pakiramay sa kay ‘Ondoy’ na biktima
    Kalakip ang panalanging ang naganap na trahedya
    Nawa’y hindi na maulit; tubig-baha’y humupa na;
    Karamdamang dulot nito’y huwag maging epidemya,
    Ang gobyerno’t mamamayan ay matuto na rin sana.

    Sa malagim na trahedyang bagyong ‘Ondoy’ ang dahilan
    At iba pang kalamidad na sa bansa’y nagdaraan
    Na ang bunga’y pagdurusa, gutom, sakit, kamatayan
    Gayong kung may paghahanda, pwede namang maiwasan,
    Ay sino ba ang may higit o lalong kapabayaan –
    Tayo mismong mamamayan? O ating pamahalaan?

    Di layon ng BlogTalasan ang sinuman ay masisi
    Subalit kung masusuri ang sanhi ng kalamiti
    Sa ganito’y matutukoy ang angkop at mas mabuting
    Paghahanda bago pa man ang sakuna ay mangyari;
    Gobyerno o mamamayan? Kung isa lang responsable,
    Sino’ng naging mas pabaya? Kayo na ang s’yang magsabi.

    ReplyDelete
  2. PAGKUKULANG NG PAMAHALAAN

    Humagupit na ang bagyo, dumaluyong na ang baha,
    Apektado ang malaking bahagi ng ating bansa;
    Sa ganitong kalamidad ay di tayo nakahanda,
    Kaya nagbunga ng lagim ang dumatal na sakuna;
    Nagtatanong tayo ngayon: nagpabaya’y sino kaya —
    Mamamayan o gobyerno sa pag-aksyon at paggawa?

    Daming buhay ang napugto sa di natin kahandaan,
    Libong bahay at gusali ang naanod at nawindang;
    Sa unos na nagngangalit at habagat na pamatay,
    Payapa mang baya’t bukid ay binayo’t ginulantang;
    Nang magbiro ang tadhana, mamamaya’y nasasaktan,
    Ang sisihi’y walang iba kundi ang pamahalaan!

    Sa kay Ondoy at kay Pepeng, may bagyo nang nangauna
    Na sa bansa’y naghatid din ng linggatong at pangamba;
    Ang gobyerno mula noon, dapat sana’y humakbang na,
    Lumikha na ng panlunas sa unos na darating pa;
    Kung sa mga nakaraa’y nagkaaral ng maganda,
    Disi’y handa tayong lahat umunos man at sumigwa.

    Sana’y hindi tinulutang kagubatan ay mapanot,
    Kakahuya’t kabunduka’y naingata’t nataguyod;
    Pinatatag yaong prinsa, mga lawa’t mga ilog
    Na di kayang isambulat ng pagbaha’t lisyang agos…
    (Ang salaping laan sana upang ito’y isaayos,
    Sa pondo ng kabang-bayan — malamang na nakurakot!)

    Anong sising ibibintang sa hamak na mamamayan
    Sa ganitong paghahandang panligtas sa kalahatan?
    Maliit na magagawa halos mawawalang saysay,
    Pagka’t walang guguguling sa sakuna’y pananggalang…
    (Pagkukulang na malaki’y pagsisiha’t pagsimpian
    Ng tiwaling pamalakad ng gobyernong haling…hibang!)

    ReplyDelete
  3. MATUTO SA KARANASAN

    Si De Amor ay hindi ko masisisi kung magdamdam
    Sa pinsala ng sakunang halos di na matagalan;
    Bagyo’t bahang dambuhala na sa atin ay sumagpang
    Ay dama ng buong nasyong nagpipiglas sa karimlan;
    Nakaamba ang delubyong tatapos sa ating angkan,
    Kung di tayo matututong kalamidad ay sagkaan.

    Ang pagbaha hanggang ngayon ay hindi pa mapahigkat
    At ang hanging balaklaot ay patuloy ang pagaspas;
    Ang laganat na pag-ula’y tila luhang di maampat,
    Parang tinik kung tumama sa maselang nating balat;
    Sinong ating daraingan sa matinding pagkasindak —
    Tayo rin ba ang maysala sa pagdurusa ng lahat?

    Natutulog ba ang Diyos? Malupit ba ang tadhana?
    Bakit tayong Pilipinong dukhang-dukha ay kawawa?
    Kung humingi man ng habag at umamot ng kalinga,
    Nasa burol pa rin tayo ng may batik na hiwaga…
    (Ang tinig ng panalangin ng nalumpong pang-unawa
    Ay tumimo ba sa dibdib ng nadurog na dambana?)

    Merong mga sumisisi sa nagkulang na gobyerno,
    Pagka’t tayo’y hindi handa sa sakuna at peligro;
    Mga hangal daw pinunong-bayan nati’y pawang tuso,
    Sa hawak na katungkula’y nagpabaya’t abusero;
    Meron namang nagsasabing ang sisihi’y madlang tao,
    Pagka’t sila ang naghalal sa linsil na kandidato.

    Sa ganitong pagkagipit, kung tayo ba’y magsisihan,
    May buti bang idudulot sa kawawang mamamayan?
    Hindi ngayon ang panahong magsumbata’t magbangayan
    At sumigaw pa ang dugo ang nagdusa’t namatayan!
    (Ang maykaya ay tumulong! Lahat tayo’y magdamayan!
    Maging aral ang sinapit na lugaming karanasan…)

    ReplyDelete
  4. HUWAG LILIHIS SA PAKSA

    Kay kampupot ay salamat sa magandang panawagan
    Gayunpama’y paalalang ito’y isang BlogTalasan
    Ito’y isang pagtatalo na may paksang nakasalang
    May tuntuning sinusunod sa lalahok na sino man
    Isa lang ang pipiliin at bibigyang katuwiran…
    Sino’ng higit nagpabaya: Gobyerno o mamamayan?

    ReplyDelete
  5. MAMAMAYAN ANG MAS PABAYA

    Malaon nang humahanga kay Cadena at Kampupot
    Sa magandang tula nila’t katuwirang maalindog
    Wala man sa kalingkingan, nais ko ring makikurot
    Sa usapin ng trahedyang bagyong ‘Ondoy’ ang nagdulot
    Kung ako ang tatanungin, puno’t ugat ng bangungot
    Ay tayo ring mamamayang pabaya at mapag-imbot.

    Oo, tayong mamamayan ang higit na nagpabaya
    Taun-taon bumabagyo, lagi tayong hindi handa
    Mapait man kung aminin ang sariling pandurusta
    Ngunit iyan ang totoo – pagmasdan ang ating lawa
    Mga kanal at estero, mga dagat, ilog, sapa
    Ginagawang basurahan ng lipunang salaula.

    Kahit tayo ay may halal na opisyal ng gobyerno
    Na tungkuli’y mangalaga sa bayan at mga tao
    Batas natin, walang silbi sa pasaway na publiko
    Sa padulas ng may suhol, bale wala ang ‘zoning law’
    Kahit hindi nararapat, babahayan ang estero
    Pati kanal, babarahan ng tindahan at negosyo.

    Gobyerno man ay nariyan, tayo pa rin mas marami
    Munti nating nagagawa (mapasama, mapabuti)
    Sama-samang bunga nito’y mas matindi, mas malaki
    Kaya tayo ang mas higit na sa baya’y responsable
    Ngunit tayong tagaingat sa paligid, nangyayari
    Ay tayo pang tagawaldas, tapos iba’ng sinisisi!

    Hindi natin kailangan ang malaking gugugulin
    Sa sariling munting sikap, mahalaga’ng papel natin
    Magtanim ng kahit isang puno sa twing magbe-birthday
    Sa halip na pagtapunan, mga kanal ay linisin
    Sa panahon ng halalan, kandidatong pipiliin
    Taong maka-kalikasan, maka-Diyos at di sakim!

    ReplyDelete
  6. BUDHING NILULUMOT

    Ang nais ko’y kadenahan ng pag-ibig si Katreena
    Sa paghangang kung biro man ay ibig kong mabalisa;
    Ang totoo’y siya lamang ang nagsabing unang-una
    Na katwiran ko at tula’y may alindog at haraya;
    O! Salamat sa papuring naghuhunos ng umaga
    Sa binagyong kamakatang binaha ang berso’t rima.

    Nguni’t ako’y nagtataka sa masidhi mong bangungot
    Na salungat sa ramdam kong nabilanggong bungantulog;
    Ang inunos nating bayang napahimpil sa bulaos
    Ay tumanang nang ulani’y mamamayan ang inanod;
    O, Katreena, alam mo bang ang puso ko’y dinudurog
    Ng gobyernong nagpabaya at may budhing nilulumot!

    Ako bilang mamamayan, nang umihip na ang hangin
    At madamang sa paligid ay may bagyong aanihin;
    Sinimulan kong suhayan yaong bahay-kubo namin,
    Upang kahi’t papaano ay bahagyang patibayin;
    Ang palibot ng tahana’y hinukayan nang malalim,
    Maingat kong kinanalan! Umusal ng panalangin!

    Nang dumating na ang unos at ang hangi’y manalasa,
    Mga suhay ng kubo ko’y nabaltak na walang awa;
    Kubong yari sa kawayan at sa pawid na mahina
    Ay winasak ng habagat at mabangis na tadhana;
    Sa malakas na pag-ulang mandi’y ayaw nang tumila,
    Ang kanal ko ay biniyak ng pagbahang sumagasa!

    Naisip ko ang gobyernong nasuhula’t nagpaputol
    Sa dibdib ng kagubatan ng maraming punongkahoy;
    Basura sa dagat, ilog, at esterong binababoy,
    Nagpabaya! — paghihigpit ng gobyerno’y isang hamon;
    Batas na di natutupad! Pamayanang patay-gutom!
    Saguti’t kapabayaan ng gobyernong urong-sulong…

    ReplyDelete
  7. SALING PUSA

    Bakit nga ba ngayon ko lang nakita at natutuhan
    Na maghanap ng ganito? Mayro’n palang BlogTalasan!
    Disin sana’y malaon na sarili ko’y nililibang
    Sa paghabi nitong tula kahit ako ay baguhan.

    Makata kong kababayan ako sana’y alalayan
    Ang pluma ko sa pagtula sadyang kapos, may limit lang
    Bayaang sa mga paksa ang lingkod nyo’y makisawsaw
    Ang nais ko ay maglibang habang nangingibang bayan.

    ReplyDelete
  8. MAGTULOY KA, KAMAKATA!

    Magtuloy ka, O, Renz Javier, sa daigdig ng tulaan
    Na malaon na ring tampok ng magandang BlogTalasan;
    Buo yaring paniwala na tanggap kang mahinusay
    Ng matinik na makata nating tagapamagitan;
    Payo ko lang kung talagang sasabak ka ng pingkian,
    Ang bulsa mo’y laging punin ng tulaing maiinam.

    Kailanga’y mga tulang sa lukbutan isisilid,
    May haraya, talinghaga at may rimang maririkit;
    Kung patuloy kang mangarap sa pagtulang walang patid,
    May pag-ibig na dakilang lalangkap sa iyong dibdib;
    Alagad ka ni Balagtas na makatang pandaigdig
    At sa gabay ng Maykapal, may aral kang ihahasik.

    Kaibigan, ang hangad ko’y mapuno ng manunula
    Itong mundo ng pagsuyo’t pananalig na sagana;
    Kahi’t saa’y walang imbi’t walang linsil na makata—
    Makata ang tagasunod ng talisik na Bathala!
    (Inuulit ko, Renz Javier, halika na’t sumagasa
    Sa bagyo ng panulaang tila “Ondoy” ng hiwaga…)

    ReplyDelete
  9. PABAYANG PAMAHALAAN

    Ilan na bang kalamidad ang sa bayan ay nagdaan?
    Mamamaya’y nagdurusa’t libo-libo’y namamatay,
    Bagyo, tuyot saka lindol at pagputok nitong bulkan
    Dagdag pa ang insurgency, walang humpay na bangayan.
    Sino nga ba ang pabaya ang gobyerno o ang bayan
    Sa epekto ng delubyong dapat sana’y naagapan?

    Sa dami ng mga batas sa Kongreso’y binalangkas
    At salaping ginugugol at kanilang winawaldas
    Kung totoong ang layunin ang balana ay iangat
    Sa dusa at sa pighating malaon nang dinaranas
    Sana naman kahit pa’no sa sigwada’y nakailag
    Kung may planong tumutukoy sa ganitong kakamidad.

    Papaanong hindi gayon, ang palaging nangyayari
    Mga tao sa Kongreso hilig lamang magpapogi
    Magpapasa nitong batas gagastusan ng salapi
    Pagpapalit ng pangalan iskinita’t nitong kalye
    Kung mayro’n mang mapagtibay at batas na ini-lobby
    Nabubulok sa kangkungan at wala din namang silbi.

    At kung mayro’n namang batas na kanilang mapagtibay
    Na totoong sa bayan nga ay kapakipakinabang
    Pulitikong nasa pwesto at halal ng taong bayan
    Interes na pansarili laging nasa alang-alang
    Mamamayan na nagluklok sa trono ng kaharian
    Basura na sa paningin, wala na syang pakialam.

    Kung batas ba’y ipatupad sino nga ba ang tututol?
    Lalo na’t kung hangad nito sa hirap ay maiahon
    Ang problema sa kanila karamiha’y ningas-kugon
    Mas matimbang ang hangaring magtagal pa sa posisyon
    Marapat lang na sisihin sa ganitong situwasyon
    Nagpabaya ay tunay nga – silang nasa administrasyon.

    ReplyDelete
  10. BOTANTENG MAMAMAYAN ANG SISIHIN

    Sino nga ba ang nagluklok sa presidenteng Arroyo?
    Di ba’t mga mamamayan at balanang mamboboto?
    Sino rin ba ang naglagay ng senador sa Senado
    Na sariling kapakanan ang hangari’t asikaso?
    Sa bangag na mambabatas na naghudas sa Kongreso,
    Ang naghalal ay hindi ba pamayanang Pilipino?

    Walang Marcos na diktador at hidhid sa kayamanan
    At Imeldang nababaliw sa salaping sumisilaw;
    Walang Ramos na bubuga ng usok sa katusuhan
    At wala rin ang Estradang lasinggero’t magsusugal;
    Walang hibang na Arroyong tatakbo pang kongreswoman,
    Kung nag-ingat sa pagboto yaong madlang maghahalal!

    Sana’y walang Ampatuan na alkaldeng inuumok
    Na ang bangis sa pagpatay ng kapuwa’y parang hayop;
    Walang rin ang Ampatuang gobernador manding salot
    Ng katalo sa halala’t dyornalistang binusabos;
    Wala sanang Maguindanao na masaker sa bulaos,
    Kung ginamit ang pagbotong marangal at walang takot.

    Dumating man ang sakuna’t matitinding kalamidad
    Na tulad ng bagyong “Ondoy” na sa bayan ay pang-utas;
    Manalasa man ang bahang pantay-bahay pa ang taas,
    Matatanda’t mga bata’y haharap na walang sindak;
    Problema sa bulkang-Mayon ay madaling malulutas,
    Kung ang budhi ay ginamit sa pagboto nating lahat.

    Di iilan ang nagbenta ng sarili nilang dangal
    Nang ang “boto’y” ipagbili sa kandidatong garapal;
    Nagsiboto sa “artista” (nadaya ng katanyagan),
    Kahi’t pa ang mga ito sa tungkuli’y walang alam!
    (Dito’y aking sinisisi at tandisang susumbatan,
    Ang higit na nagpabayang naglipanang mamamayan.)

    ReplyDelete
  11. PAMAHALAAN ANG SISIHIN

    Nais ko po muna na pasalamatan
    Cadena de Amor sa aki’y nag-welcome
    Ang makasama po’y aking karangalan
    At maibahagi ang mga katwiran
    At kay makatang tagapamagitan
    Sana’y lumawig ang BlogTalasan

    Mabangong dalaga, pangala’y Kampupot,
    Kinababaliwan ng mga bubuyog
    Dahil sa ganda nya at angking alindog
    Binatang makisig ay napahinuhod
    Dahil sa pangako’t masuyong pag-irog
    Nakamit ang OO, ang puso’y lumambot.

    Kampupot kanino mo ngayon isisisi?
    Sisisihin mo ba ang iyong sarili?
    Sa nakita mong tunay na pag-uugali
    Mahal mong hunyango wala palang silbi
    Pangakong binitiwan sinasantabi
    Walang mahalaga kundi ang sarili.

    Ganyan nga eksakto paksang itinampok
    Sentro ng diskusyon ating sinusuyod.
    Masisisi mo ba ang madlang kayrupok
    Sabik sa pangakong sa kanila’y dudulog
    Lito ang isipan sa paghihikahos
    Kaya nga kumapit sa pulitikong naghandog.

    Bakit hindi na lang kaya pagbutihin?
    Kung natalaga ka sa isang tungkulin
    Kamit na tiwala sana ay limiin
    Nitong sambayanag nagluklok sa atin
    Kaya nga dapat lang na ating sisihin,
    Pamahalaang pabaya sa mga tungkulin.

    ReplyDelete
  12. PAG-IINGAT AY DI SAPAT

    Oo, ako ay Kampupot na sa angking yumi’t ganda
    Ay maraming sumasamo’t nag-aalay ng pagsinta;
    May bubuyog na may bulong na pangakong walang hangga,
    Saka mga paruparong kung manuyo ay kay sigla;
    Sa sanghaya’t talulot kong minana sa aking ina,
    Mga angkan ni Adonis sa ngiti ko’y nagpipista!

    Lahat sila’y nagmimithing ang “Oo” ko ay makamtan,
    Kaya sila sa hardin ko — araw-gabi kung magbantay;
    Sa puso raw nila’y saksi ang bituin, tala’t buwan,
    At wagas raw ang pag-irog sukdang yao’y ikamatay;
    Kung madala ng pangako’t patitimpi ay bumigay,
    Bawa’t isa’y nagsasabing handa akong pakasalan.

    Nguni’t ako sa sarili ay nagkuro nang panatag
    Na sa mga nanunuyo dapat lamang na mag-ingat;
    May pangako ng bohemyo’t may sumpa ng diwang-hudas,
    Sa panahong dapat tupdin ay panatang winawasak;
    Mga budhing mapanlinlang — mabulaklak kung mangusap,
    Binibingwit ang tiwala ng diwatang nangangarap.

    Sa imbi at pakunwari’y hindi ako palilinlang,
    Di ko gustong mariwara yaring buhay ko at dangal;
    (Dapat maging matalisik na suriin ang sinuman,
    Upang hindi mabiktima’t sa pagluha’y paglalangan;
    Taong hungkag ang akala’t di marunong makiramdam,
    Nagpabaya! At ang sisi’y dapat silang pagbuntunan.)

    Mamamayan ay ganyan ding nalinlang ng kandidato
    Na kanilang inihalal na umugit ng gobyerno;
    Pag-iingat na di sapat ang resulta’y panloloko
    Ng tiwali’t magnanakaw na pinunong ibinoto;
    Sa hagkis ng bagyong “Ondoy” sa nagdusang mga tao,
    Sinisisi ko’y botanteng nagpabayang Pilipino.

    ReplyDelete
  13. SA LIDER ANG SUSI, SA KANYA ANG SISI

    Ang angkin mong kagandahan at ang taglay na alindog
    Bulaklak ka na natangi sa timyas na bangong dulot
    Ang nakamtan na mithi mong sa pedestal mabantayog
    Ay utang mo sa nagdilig, nag-alaga sa yong lubos
    Ang abono ng pag-ibig, bitaminang humahaplos
    Sila itong hardinerong sa ugali mo’y naghubog.

    Ang labong din ng kawayan hindi mo nga baga alam?
    Na sa kanyang pagmimithi simboryo nya’y umibabaw
    Ang balakid sa landas nya na tangi nyang daraanan
    Ay naunang mga puno kapwa sila magugulang
    Kung sa kanyang lalandasin ay may puno na humarang
    Ang baluktot niyang landas ang naghubog ay magulang.

    Ganoon din sa pamilyang may pangarap na pag-unlad
    Itong tatay at ang nanay nagpaplanong lubos, ganap
    Magkatulong sila kapwang mapaganda itong bukas
    Mapabuting kalagayan minamahal nitong anak
    Bakit mo nga sisisihin ang anak mong napahamak
    Kung nagkulang sa ehemplong sila sana ay nabantad?

    Pasaherong nakatulog sa pagbiyahe sa kalsada
    Buong puso ang tiwala sa driver na nagdadala
    Kung minalas at nasuong sa malapit na sakuna
    Kaligtasan ay sa driver ang diskarte at manyobra
    Kaya naman, o Kampupot, huwag ka ng humirit pa
    Laging lider ang siyang susi pag-unlad ng ikonomya.

    Tanggap mo ba kung sakali ang yong lider na nahalal,
    Mangmang ito sa pag-ugit sa manyobra’y walang alam?
    Kung lagi nang pumapapel sa diskarte ay ang bayan
    Di ba ito ay masagwa, sa mukha nya’y parang sampal?
    Pakiusap, o Kampupot, ang isip mo ay lawakan
    Pagkukulang ay sa lider, pagsang-ayon lang sa bayan.

    ReplyDelete
  14. TATAG NG PRINSIPYO KAILANGAN SA PAGBOTO

    Kasang-ayon akong yaong namulaklak na halaman
    Ay may isang hardinerong pagsisikap ang puhunan;
    Sa matamang pagdidilig may Kampupot na lumutang
    Na karikta’y may hiwaga sa loob ng halamanan;
    Nguni’t damhin ng nagpala ang sininop na tulungan
    Ay Kampupot na may diwang dapat isaalang-alang.

    Meron tayong kawikaang sa labong ay kilala na
    Kung alin ang maaaring sa paglaki’y magmamata;
    Labong na di aasahang pagmatahan at pandak pa,
    Lumaki man ay kawayang bulubuti’t walang ganda;
    Nagbuhat man sa magulang na malusog at may sigla,
    May sarili siyang mundo’t kalikasang kanyang-kanya.

    Sa bigay mong halimbawa, O, Renz Javier, sa mag-anak,
    Kasang-ayon mo rin akong ang magulang ay liwanag;
    Sila’y dapat ngang huwarang lumikha ng isang bukas
    Sa abot ng makakayang panuntunan at pangarap;
    Kung ang anak ay maligaw at tuluyang mapahamak,
    Nagsisimping ama’t ina ang may lukob na bagabag.

    Kailanma’y di lululan ang matinong pasahero
    Sa sasakyang ang may dala ay bagitong magmaneho;
    Yaong tsuper ng sasakya’y kailangang sinisino
    Bago bigyan ng tiwala na sapat at pihong-piho…
    (Di ba dapat ay ganyan din ang botanteng Pilipino,
    Bago sila magtiwala sa naglipang kandidato?)

    Lumilikha ng gobyerno’y tayong mga mamamayan,
    Kaya kapag di nag-ingat tayo rin ang masasaktan;
    Matalino at malinis na pagboto ang gampanan
    Nang di tayo magkaroon ng pinunong imbi’t hunghang…
    (Mahirap bang intindihing dapat lamang na ihalal
    Ay ang mga kandidatong may prinsipyo, diwa’t dangal?)

    ReplyDelete
  15. NAPILI NA ANG GAGANAP

    Katalo ko’y tila yata naligaw na rin ng landas
    Lumilihis na sa tema nitong paksang tinatahak
    Ang problema’y sino daw ba ang nagkulang sa pagganap
    Sa daluyong nitong Ondoy na maraming napahamak
    Ito’y isang pangyayaring umukit ng mga bakas
    Karakter ay naroon na, pili na nga ang gumanap.

    Sa ehemplong tinuran ko kaylinaw ng sinasabi
    Hardinero, tatay, nanay at ang driver nitong byahe
    Sila’y pawang napili na, natadhanang responsableng
    Ipagtanggol ang alaga kung ano man ang mangyari
    Ito’y hindi kagaya ng pelikula sa pag-arteng
    Pipili pa ng artista kung may ambang pangyayari.

    Sana nama’y malinaw na sa dilag na si Kampupot
    Kung hindi pa, baka naman nalalanta ang talulot
    Kailangan mo’y abonong pang-unawang tanging gamot
    At bukas na kaisipan, malawak at di maramot
    Kaya naman kung nasukol umamin na at yumukod
    Ikaw na lang ay bumawi kung paksa pa na susunod.

    ReplyDelete
  16. SAMPAY-BAKOD ANG GUMAGANAP

    Hardinero, tatay, nanay at ang tsuper na ehemplo
    Ay tantuing hindi halal ng balanang mamboboto;
    Ang presidente, kongresman at senador sa senado,
    Lingkod-bayang ang naghalal ay botanteng Pilipino;
    Tunggilang na halimbawa ng marangal na katalo
    Ay malayo sa usapang kay “Ondoy” na ipuipo!

    “Pumili” sa “Gumaganap” ay siya kong tinutumbok
    Na dapat ay nakapili ng gaganap na di bulok;
    Ang pinuno ng gobyernong gumaganap ay marupok
    Sa tungkuling dapat sana’y ginaganap nang marubdob;
    Mga “botanteng” pumili sa tungkulin ay nagluklok —
    Sinisisi kong tahasan mula paa hanggang tuktok.

    Di ko ibig paratangan ang katalong manunula
    Na ang kanyang katuwiran ay bunga ng utak-biya;
    Mahayap man kung mangusap ang may bitak niyang dila,
    Di ko hangad na patulan ang ga-dali niyang diwa;
    Huling linyang pahatid kong may anghang na talinghaga:
    “Ang makatang pipitsugi’y sampay-bakod na makata!”

    ReplyDelete