Saturday, March 22, 2008

PAKSA #01 - PGMA Hanggang 2010?

TANONG:
Dapat ba o hindi dapat magpatuloy sa tungkulin bilang Pangulo ng Pilipinas si Ginang Gloria Macapagal-Arroyo hanggang sa taong 2010?

BASAHIN ANG MGA KATWIRAN AT KOMENTO

GMA hanggang 2010?


Mag-email ng iyong KATWIRAN o ng iyong KOMENTO tungkol sa paksang ito.

BASAHIN ANG MGA KATWIRAN AT KOMENTO
Magmungkahi ng paksa

19 comments:

  1. DAPAT MAGPATULOY SA TUNGKULIN

    Mapalad ang Pilipinas, may sariling konstitusyon
    May prosesong sinusunod, kung tawagin ay eleksyon
    Mahirap man o mayaman pantay-pantay sa paghatol
    At pagpili ng luluklok bilang Pangulo ng nasyon.

    Sa alin mang kumpetisyon, kabilang na ang halalan
    Hindi lahat nagwawagi, palagi nang may talunan
    Kung sakaling di pinalad, tanggapin ang kapalaran
    Irespeto ang desisyon ng bumotong taumbayan.

    Ang pagiging Presidente ni Arroyo'y naaayon
    Sa batas at sa proseso kaya legal ang pundasyon
    Nararapat patapusin si Arroyo hanggang taong
    Two Thousand Ten sa tungkuling sinumpaan niya noon.

    ReplyDelete
  2. HINDI DAPAT MAGPATULOY SA TUNGKULIN

    Aruy! Aruy! Aruykuykuy! Kahit ibig maniwala,
    Komento ni royalblogger, di matanggap ng sikmura,
    Na pag-upo ni Arroyo bilang Pangulo ng bansa
    Ay dinaan sa proseso! Legal daw! (Di ba nandaya?)

    Di bale na kung nandaya, nandyan na sya - pagtiisan!
    Ang masakit, pandaraya'y di na yata lulubayan
    Hello Garci, ZTE Deal, hanggang sa Fertilizer Scam
    Diumano ay sangkot pa ang asawang First Gentleman!

    Kung ako ang tatanungin ay higit na pipiliin
    Ngayon pa lang, mag-resign na si Arroyo sa tungkulin
    Hirap na ang ating bayan, maraming di na nakain,
    Wag na sanang pagnakawan hanggang taong Two Thousand Ten!

    ReplyDelete
  3. KAPAG PUNO NA ANG SALOP…

    Katangian ng lahing Pinoy ang lubos na matiisin,
    Masikap, matiyaga, malugod, at masayahin.
    Di kagyat umaangal, kulang ma'y pagkakasyahin,
    Marangal, makabayan, sa batas ay masunurin.

    Ngunit kapag pag-abuso ay sumusobra na,
    Dapat lang na putulin, salop ay kalusin na,
    Pag-upo sa tungkuling sa dayaan nag-umpisa
    At patuloy sa panlalamang sa maralitang masa.

    Anim na taon ay maigsi sa pangulong naglilingkod,
    Ngunit impyernong walang hanggan sa mangungurakot;
    Ano'ng saysay ng pangulong saan ma'y binabastos,
    Dahil moral na karapata'y inuuod na ng lubos.

    Nabinbing katarunga'y katarungang ipinagkait,
    Amo ni royalblogger kapit-tuko, ano'ng lupit,
    Paaabutin pa ba ng Two Thousand Ten ang hagupit?
    Malinis na gobyerno, sa dakilang Pinoy ibalik!

    ReplyDelete
  4. DAPAT NANG MAPUTOL ANG KANYANG ARAW

    Pitong taong singkad na lipos ng kasinungalingan
    Idagdag mo pa ang walang habas na katiwalian
    Sa kamay ng ekonomistang dulot ay kasawian
    Nagbigay sa Pinas ng angaw-angaw na kahapisan.

    Nais ba nating magpatuloy ang buhay ng halimaw?
    Nais ba nating humaba pa ang kanyang mga araw?
    Hahayaan na lang ba nating tayo'y kanyang ipangaw?
    Sa kadiliman na malayo sa liwanag ng araw?

    Ang Hello Garci, ZTE Deal, at Fertilizer Scam
    Pawang dulo lang ng higanteng iceberg sa MalacaƱang
    Pilit itinatago sa nakasisilaw na wolfram
    Ng Konstitusyong ang mabuting layunin ay naparam.

    ReplyDelete
  5. KAPAG WALANG MAISAING

    Ito'y tugon sa komento't pagtatanong ni butsikik
    Na ako raw ay may among kapit-tuko at kaylupit
    Presidente'y di ko amo, alay ko ay pagmamatwid
    Lalo na sa katulad nyang nalalabuan ng isip.

    Pilipinong matiisin, malugod at masayahin
    May panahon sa pagpuna kapag iba ang may uling
    Kahit tamad at gastador, pag wala nang maisaing,
    Sa halip na magsumikap, gobyerno ang sisisihin.

    Pangulo ang laging mali, ang sarili laging tama
    Kaya tuloy di matuloy, asenso ng ating bansa
    Magtrabaho na lang tayo pagkat walang mapapala
    Kung oras ay uubusin sa reklamo't pagtuligsa!

    Bakit? Sinong presidenteng naupo sa Malakanyang,
    At sino pa ang luluklok na di hangad magpayaman?
    Milyun-milyon kung gumastos manalo lang sa halalan
    Natural lang, magbabawi, negosyanteng namuhunan!

    Kaya naku, lubayan na ang labis na paghinagpis!
    Wala riyan ang solusyon kahit bansa ay may krisis
    Walang bigas? Di magtanim! May korapsyon? Di alisin!
    GLoria, resign? Maghintay ka... Malapit na 2010!

    ReplyDelete
  6. GLORIA, RESIGN NOW!

    Kapal naman ng mukha ni royalblogger na sumagot,
    Gayung bistado ng lahat na isa siyang asungot;
    Ipinagtatanggol mo ay maninipsip, manghuhuthot,
    Sa halip na mamuno’y gumagawa pa ng gusot.

    Ano pala ang gusto mo, kami’y manahimik na lang?
    Habang dinadaya, niloloko, inaapi’t, nililinlang,
    Talamak na pandarambong, pagnanakaw sa bayan,
    Kakapal, dadami sa pagkunsinti nyo’ng mga hunghang.

    Katwiran mo katoto ko’y isipin ng isang mangmang,
    Inamin mong negosyo ang pwesto sa Malacanang.
    Kaltas sa sweldo ko’y buwis namang kinakamkam,
    Concerned lang ako, ‘di tulad mong walang pakialam.

    Paano kami titigil sa sabi mong pag-aalsa,
    Gayung dulot ni GMA ay hirap at pagdurusa?
    Mananahimik kami kung sa pwesto’y aalis siya,
    Oust Gloria, Gloria resign now! Nang bansa’y umusad na!

    ReplyDelete
  7. PATATAGIN ANG DEMOKRASYA

    Di lang pala ang isipan ni Butsikik ang malabo
    Pati kanyang pang-intindi, may lamat at hindi buo
    Wala akong sinasabing tao’y magsawalang-kibo
    Kung nais nyang makisangkot, kami nama’y magkasundo.

    Kung paano makialam, diyan kami nagkaiba
    Si Butsikik - negatibo, sobrang high blood, nag-aalma
    Masyado ring apurado at die hard na anti-Gloria
    Di gaya kong mahinahon, magalang at antay muna.

    Dapat nga bang si Pangulong Arroyo ay pagbitiwin?
    Sa terminong sinumpaan, di na dapat patapusin?
    May gusto ba’y taumbayan? Baka naman humihiling
    Ay kalabang politicians? Palit-icians kung tawagin!

    Di kasi nga, karamihang oposisyong nag-iingay
    Sa Kongreso, sa Senado, sa kalsada, sa ralihan,
    Malakanyang din ang target, pag naupo’y sila naman
    Kaltas-buwis ni butsikik, iba na ang mangangamkam!

    Demokrasyang umiiral sa bansa ay matatag lang
    Kung batas at konstitusyon, sinusunod, ginagalang
    Ang pagpili ng Pangulo, kung dinaan sa halalan
    Ang pagpili ng papalit, sa halalan din idaan!

    ReplyDelete
  8. WANTED: PINUNONG MAY DIGNIDAD, IGINAGALANG

    Ani Royal Blogger pang-unawa ko daw ay mababaw,
    Ngunit kung susuriin, isip niya ang utak tungaw;
    Nais niya’y magkasundo, makiisa at dumamay,
    Tutulong ba ako sa pandaraya at pagnanakaw?

    Hindi po negatibo si Butsikik kung mag-isip,
    Naninindigan lang po pag inaapi’t ginigipit;
    Makakahintay ba ang sikmurang humihibik?
    Sa Two Thousand Ten, baka bansa’y lubog na sa putik!

    Hoy Royal Blogger, mag-isip muna bago magsalita,
    Pagpapaalis kay GMA ay di bunsod ng politika;
    Dating myembro ng kanyang gabinete ang nag-aalsa,
    Pagka’t sila ang nakakaalam na palpak si Gloria.

    Yaong mga presidentiables kung inyong mapapansin,
    Tulad ni Royal Blogger, gusto tayong paghintayin;
    Ayaw nilang malamangan bago mag-Two Thousand Ten,
    Kaya’t maliwanag Oust Gloria!, bayan ang humihiling.

    Katotong Royal Blogger huwag mo sanang kalimutan,
    Unang upo ni GMA sa Malacanang ay pwersahan;
    Hindi kataka-takang hindi siya iginagalang,
    Pangalawang upo niya’y kay Hello Garcing paraan.

    Demokrasya’y iiral kung may dignidad ang pinuno,
    Matapat, kagalang-galang at may taglay na respeto;
    Hindi po persona ni Gloria ang pinatatalsik ko,
    Kundi ang kabulastugang dulot ng kaniyang pamumuno.

    ReplyDelete
  9. ANG LUMALAKAD NANG MATULIN…

    Nakapuntos nang malaki ang katoto kong Butsikik
    Sa katwirang inihayag na matindi ang hagupit
    Marahil ay inspirado sa mga fans nyang puro chicks
    Kaya kusang bumabalong ang katas ng pag-iisip.

    Ngunit hindi kahulugan nito’y basta susurender
    Ang lagi nyang inaasar na kalabang Royal Blogger
    Sabihin nang taumbayan ang may gusto at may hiling
    Na si Gloria‘y patalsikin, bakit di mag-People Power?

    Pano’ng magpi-People Power? Madlang people na’y nagsawa!
    Dahil tuwing may tiwaling Presidenteng nasisipa
    Panibagong naluluklok, magaling lang sa simula
    Pag sa pwesto’y inugatan, mas matakaw, mas masiba!

    Kundi naman mas masiba’y paano kung walang alam?
    Masagana lang sa porma’t panlabas na kaanyuan?
    Kasikatan sa broadcasting ang puhunang katanyagan?
    Naku lalo nang kawawa ang kawawang taumbayan!

    Baka sa kaaapura ni Butsikik na takasan
    Ang mainit na mantika ng sitwasyong kinalagyan
    Sa lagablab ng panggatong ang malas na malundagan
    Ganyan din ang ating bansang di tukoy ang hahantungan!

    Mabuti pa samakatwid na maghinay-hinay tayo
    Suriin nang masinsinan ang tatakbong kandidato
    Kilalanin ang karakter, kapamilya, kaalyado
    Pagsapit ng Two Thousand Ten piliin ang iboboto!

    ReplyDelete
  10. PILIPINAS KONG MAHAL

    Pahayag ni Royal Blogger, usal ng ’sang maginoo,
    Ngunit di lamang po sa isip nanggaling ang puntos ko,
    Yao’y mga saloobing nagmula sa aking puso,
    Patunay ng pagmamahal sa pagka-Pilipino.

    Imahe ng People Power ay winasak na ni Gloria,
    Sa tunay na layunin ay gumuho ang pag-asa;
    Ngunit Pinoy hindi takot na muling makibaka,
    Di tulad ni Royal Blogger na nabahag ang buntot na.

    Problema dangan kasi’y may daya, peke ang halalan,
    Kaya’t mga nakapwesto’y di halal ng taumbayan;
    Ngayon nama’y sasabihing nakalinya’y walang alam,
    Magnanakaw at ignorante, aba’y parehong palitan.

    Si Butsikik di tumatakas di rin nag-aapura,
    Nguni’t mula sa kumukulong mantika, tatalon sya,
    Papunta man sa apoy at nakapapasong baga,
    Ang solusyon ay supilin, ugat ng mga problema.

    Kalunos-lunos ang maghintay lamang ng kamatayan,
    Parang isang sundalong namatay ng ‘di lumalaban;
    Kung si Gloria pa nakapwesto pagsapit ng halalan,
    Paano makatitiyak, di mauulit ang dayaan?

    Kung sa ospital ba pasyente’y emergency dumating,
    Nag-aagaw buhay, sa kamatayan ay nakabitin,
    Mamimili ka pa ba ng doktor na magpapagaling?
    Ngayon nag-aagaw buhay, iligtas ang bansa natin!

    ReplyDelete
  11. PATALASTAS

    Ako muna ay sisingit at saglit na papagitna,
    Magbibigay ng tuntunin, maghahayag ng babala
    Isang linggong taning na lang ang panahong itatakda
    Para kayo’y makapag-post ng katwiran nyong patula.

    Sa makatang hanggang dulo’y handang maki-BlogTalasan
    Kung meron pang ibubuga, ang akin lang kahilingan
    Gawin sanang mas maikli ang katwirang bibitiwan
    Upang mga mambabasa’y lalo itong kagiliwan.

    ReplyDelete
  12. IGALANG ANG KONSTITUSYON

    Ang hirap sa mapupusok na gaya mo, Butsikekok
    Kapirasong isyu lamang, tingin mo na’y gaga-bundok;
    Problema sa Presidenteng usok lang na kakarampot
    Pinalaki mong wari ba’y buong bansa natutupok!

    Kung tunay mong minamahal ang pagiging Pilipino
    Igalang ang konstitusyon at sundin mo ang proseso
    Panunungkulan ng isang Pangulo ay may termino
    Ang nagtakda’y may puso ring Pilipino na paris mo!

    ReplyDelete
  13. WALANG PAKIRAMDAM

    Katotong Royal Blogger, mukhang lahi mo nga ay royal,
    Hindi mo nararamdaman paghihirap na pinansyal,
    Mayorya ng mamamayan sikmura ay napapasal,
    Kakarampot na usok lang ang tingin ng mga hangal?

    Katwiran mong barado o kay hirap pagpaliwanagan,
    Panunungkulan ng Pangulo mo’y likha ng dayaan,
    Konstitusyon ay sagrado at hindi dapat sandalan,
    Ng mga manloloko, mandarambong at kawatan!

    ReplyDelete
  14. PATATAGIN ANG PAMAHALAAN

    Kung Saligang Batas nati’y ginagamit na sandalan
    Ng wika mo’y manloloko, mandarambong at kawatan,
    Sa halip na patalsikin ang Pangulo ba’t di na lang
    Patatagin ang gobyerno, Konstitusyon ang palitan?

    ReplyDelete
  15. WALANG TIWALA SA GOBYERNO

    Sa kasalukuyang gobyerno walang tiwala ang nasyon,
    Malamang mangibabaw na nama’y personal na layon,
    Pagpapalit ng sistema ay ‘di pa napapanahon,
    Patalsikin ang ugat ng gulo, yan ang unang solusyon!

    ReplyDelete
  16. UGAT NG PROBLEMA

    Ang solusyon mo ngang iyan ang ugat ng gulong ito!
    Si Erap din, pinatalsik! Ang napala natin, si Glo!

    ReplyDelete
  17. NANG-AGAW NG PWESTO

    Si Erap ay ‘di pinatalsik, inagawan lang ng pwesto,
    Ngayo’y dapat patalsikin ang pangulong pang-gulo!

    ReplyDelete
  18. PAGWAWAKAS

    Kay Butsikik, Royal Blogger, at iba pang nangatwiran:
    Pinuputol ko na ngayon ang sagutang maaanghang
    Taus-pusong pasalamat ang handog ng sambayanan
    Sa hatid nyong kasiyahan at aral na natutuhan.

    Sa iba pang nagnanais makapag-post ng komento
    Bukas pa rin ang pahina ngunit di na obligado
    Na isulat nang patula, pwede kahit papaano
    Mahalaga’y ibahagi ang sariling kurukuro.

    Muli, aking inuulit ang malaking pasalamat
    Sa makatang nagsilahok at nagpuyat sa pagsulat
    Gayon din sa inyong dito’y bumisita at nagbuklat
    At matyagang sumubaybay sa tagisang walang puknat.

    Hindi ko na huhusgahan ang nangagsipagtunggali
    Lahat kayo, may katwiran, may hataw na matitindi
    Paalala sa balana, iwaksi ang bawat mali
    Piliin lamang ang tama. Paalam… Hanggang sa muli!

    ReplyDelete
  19. PANGHIHINAYANG

    Sayang ngayon ko lang dito ay nalaman
    Sa internet pala’y may balitaktakan
    Kaygaganda nitong kanilang katwiran
    At nais ko sanang ito’y madagdagan.

    Ngunit balagtasang ito na’y natapos
    O, sana’y meron pa muling pagtutuos
    Sa paksa ring itong parang isang unos
    Nang makapagbigay ng katwirang lubos.

    Ang mga makata’y parang mga pantas
    Ako sa kanila’y walang maipintas
    Sa katwiran nilang sadyang kaytatalas
    Nagpupugay ako bilang pagwawakas.

    ReplyDelete